Tuesday, December 22, 2009

Ang Lola - Tagalog Poem by Poet Rolando Tinio



ANG LOLA


Nakapuwesto sa paboritong lugar,

parang nakakuwadro sa bentanilya ng kumidor, inis

sa inaaninaw ang di makilalang alas sais—

areglado nang umandar.


Hinaharap ang lahat na dapat magsipanik na ng bahay:

mga lasenggo’t sugarol, imbi’t tampalasan, mga tarantado

silang wala nang inatupag kundi maglandian sa lansangan.


Pati na yata ang araw na di pa kursunadang pagbigyan

ang nagririnyegong karimlan.

Walang awat silang kinakatkatan ng Lola

gayung-kasi’y may pagkauliyanin na —

hindi na matandaan kung sinu-sino sila.

Hindi na matandaan ang puno’t dulo ng paghihimagsik

na parang atakeng nandiyan na lang tuwing alas sais.

Orasyon — biro namin — panatang walang hanggan

nang di raw mapariwara ang kaluluwa ng lansangan.


At ayaw gambalain ang mga litanya,

tahimik ang Ate sa pamamalantsa.

Nagdidilim ang mukha. Maaga pa naman daw,

ayaw pang gaasan ang ilaw.


At ang Nanay, napisikan yata ng mantika,

marahang tinatangisan ang pinipritong hasa-hasa.

At si Bulilit, pagkahatid ng tatal sa kusina,

nakangising naupo sa sala,

minataan ang abuwela.

Siguro’y alas sais medya na.


Kahit tapos na ang mga seremonya,

nakadambana pa rin ang da-matan sa bentanilya.

Nahapo rin pala:

napikit ang mga mata, nalaglag ang panga,

ika nga’y bumunot sa dibdib ng buntong hininga —

parang humanda namang atupagin

ang di masansalang pagdidilim.

Read more tagalog poem

Pasko Na! - Tagalog poem by Benigno Zamora

Pasko Na! - Tagalog poem by Benigno Zamora

PASKO NA!


Malamig na simoy ng mabangong hangin
Na tanging sa pisngi ng langit nanggaling,
Ang inihahatid
Sa bukas na dibdib
Ng sangkalupaang dagi sa hilahil
At sala sa lalong tapat na dalangin. . .


Sa likod ng bundok ay namamanaag
Ang kaakit-akit na isang liwanag;
Ang ibinabadha
Ay malaking tuwa
Na di mag siyang malalasap
Ng lahat ng taong may mabuting hangad.


At ang ating puso ay muling hahagkan
Ng madlang ligayang di mapapantayan—
Ang diwa ng Pasko
Ang pista ng mundo—
Ang araw na siyang sa ati’y nagbigay
Ng buhay sa puspos ng madlang kariktan.

Ang Magandang Parol - Tagalog Poem by José Corazón de Jesús.

Tagalog poem was written by José Corazón de Jesús.

ANG MAGANDANG PAROL

Isang papel itong ginawa ng lolo
may pula, may asul, may buntot sa dulo;
sa tuwing darating ang masayang Pasko
ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit
kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,
at parang tao ring bago na ang bihis
at sinasalubong ang Paskong malamig.

Kung kami’y tutungo doon sa simbahan
ang parol ang aming siyang tagatanglaw,
at kung gabi namang malabo ang buwan
sa tapat ng parol doon ang laruan.

Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,
mga kapwa bata ng pahat kong kuro,
ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:
“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”

Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,
sa bawat paghihip ng amihang simoy,
iyang nakasabit na naiwang parol
nariyan ang diwa noong aming ingkong.

Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,
nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,
parang sinasabi ng isang matanda:
“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”

This Tagalog poem poem was published 81 years ago in Taliba. Circa December , 1928.

Top Tangalog Poems

Top 10 Tangalog Poems

  1. Ang Magandang Parol - Tagalog Poem
  2. Pasko Na! - Tagalog poem by Benigno Zamora
  3. Ang Lola - Tagalog Poem by Poet Rolando Tinio
  4. Ang Kaibigang Tunay (True Friend)
  5. Sa Tabi ng Dagat (By the Sea) by lldefonso Santos

  6. Kay Ama (To Father) by Filipina poet Emelita Perez Baes
  7. Singsing ng Pag-ibig (Ring of Love) by Jose dela Cruz

  8. HULING PAALAM ni Rizal (My Last Farewell) by Filipino national hero Jose Rizal.

  9. Ang Mga Labi Mo (Your Lips)

  10. ANG ABANIKO MO
This Tagalog poem was written by José Corazón de Jesús.