Tuesday, December 22, 2009

ANG ABANIKO MO

ANG ABANIKO MO

(Sa isang bulaklak.)

Parang isang pilas ng̃ lang̃it na bughaw
ang namamalas ko kung ikaw'y magpaypay,
parang isang "mundo, ang pinagagalaw
ng̃ napakaputi't nilalik mong kamay.

Iyan ang pamaymay na iyong ginamit
nang ako'y darang̃in ng̃ dila ng̃ init,
diyan napasama ang patak ng̃ pawis,
diyan napalipat ang pisng̃i ng̃ lang̃it.

Anopa't sa aki'y naging malikmata
ang buhay kong iyong binigyang biyaya,
nalimot kong minsang ang tao sa lupa
ay may kamataya't sariling tadhana.

Ang sung̃it ng̃ gabi, sa aki'y napawi
at bagong umaga ang siyang naghari,
ang damdam ko baga'y pawang nanaghili
sa akin ang mg̃a taong mapagsurí.

Subukang igawad ang Sangkatauhan
at hindi sasaya itong kabuhayan,
ng̃uni't kung ang iyong "abanikong tang̃an,
patay ma'y babang̃o't ikaw'y aawitan.

Sa aki'y sukat na ang ikaw'y mamalas
upang ang lang̃it ko'y mawalan ng̃ ulap,
ang iyong pamaypay kung siya mong hawak,
ako'y dinaraíg ng̃ mg̃a pang̃arap.

Ang Mga Labi Mo (Your Lips)

ANG MGA LABI MO

Ang mg̃a labi mo ay dalawang lang̃it,
Lang̃it-na di bughaw, ni lang̃it ng̃ hapis,
Labi ng̃ bulaklak na kapwa ninibig
Labing mababang̃o, sariwa't malinis.

Labi ng̃ sampagang may pait at awa,
Tipunan ng̃ pulót, tamis at biyaya,
Sisidlang ang lama'y kabang̃uhang pawa,
Pook na tipanan ng̃ hamog at diwa.

Tagapamalita ng̃ lihim ng̃ puso,
May oo at hindi, may tutol at samo,
May buhay at palad, may tula't pagsuyo.

Ang̃ mg̃a labi mo'y may pulót na tang̃i
Kung iyan ang aking pagkaing palagi'y
Talo ko ang lahat, talo ko ang Hari.

HULING PAALAM ni Rizal (My Last Farewell) by Filipino national hero Jose Rizal.

HULING PAALAM

Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
Lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan,
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis ang alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.

Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluwag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahahapis.

Saan man mautas ay di kailangan,
cipres o laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.

Ako'y mamamatay, ngayong namamalas
na sa Silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.

Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitina sa iyong liwayway,
dugo ko'y isaboy at siyang ikikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.

Ang aking adhika sapul magkaisip
noong kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsang masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.

Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakas kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.

Sa kabuhayan ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyas ng diwa
paghingang papanaw ngayong biglang-bigla.

Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
akoy malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y maisilong sa iyong Kalangitan.

Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyayaring ilapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.

At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong paghingang dalisay
at simoy ng iyong paggiliw na tunay.

Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlam at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.

Kung sakasakaling bumabang humantong
sa krus ko'y dumapo kahit isang ibon,
doon ay bayaan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.


Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng buong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.

Bayaang sino man sa katotong giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil;
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin, Bayan, yaring pagkahimbing.

Idalanging lahat yaong nangamatay,
Nangag-tiis hirap na walang kapantay;
mga ina naming walang kapalaran
na inihihibik ay kapighatian.

Ang mga balo't pinapangulila,
ang mga bilanggong nagsisipagdusa;
dalanginin namang kanilang makita
ang kalayaan mong ikagiginhawa.

At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't
tanging mga patay ang nangaglalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.

Ang kanyang hiwaga’y huwag gambalain;
kaipala'y marinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y magsaliw,
ako, Bayan yao't kita'y aawitan.

Kung ang libingan ko'y limot na ng lahat
at wala ng kurus at batong mabakas,
bayaang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kahuya’y ikalat.


Ang mga buto ko ay bago matunaw,
mauwi sa wala at kusang maparam,
alabok na iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.

Kung magkagayon ma'y, alintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin,
pagka't himpapawid at ang panganorin,
mga lansangan mo'y aking lilibutin.

Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik ko sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko.

Bayang iniirog, sakit niyaring hirap,
Katagalugan kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas;
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.

Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at berdugong hayop;
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo’y haring lubos.

Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan, bata pang maliit,
sa aking tahanan di na masisilip.

Pag-papasalamat at napahinga rin,
paalam estranherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo, mga ginigiliw;
mamatay ay siyang pagkakagupiling!

The Spanish poem was translated into Tagalog by
the Filipino revolutionary hero Andres Bonifacio.

Singsing ng Pag-ibig (Ring of Love) by Jose dela Cruz

SINGSING NG PAG-IBIG

Ah! Sayang na sayang, sayang na pag-ibig,
Sayang na singsing kong nahulog sa tubig;
Kung ikaw rin lamang ang makasasagip,
Mahanga’y hintin kong kumati ang tubig!


This Tagalog poem was written by Jose de la Cruz.



RING OF LOVE

Too bad, too bad for my love, ah me!
Too bad my ring fell into the sea;
If no one but you could get it for me,
I'd rather wait till the sea ebbs away!



Kay Ama (To Father) by Filipina poet Emelita Perez Baes

Kay Ama (To Father) by Filipina poet Emelita Perez Baes wrote this Tagalog poem for her father.


KAY AMA


Nagising nga akong tila nangangarap na isang anino
sa maputing tabing ng aming kahapong nilikha ng tao;
sa pagkakawalay sa isang magulang ay waring natuto
nahawi ang ulap na nagbigay silim sa kanyang talino.


Siya’y naparuol walang abug-abog sa rugtong ng tali,
ang kinahinatnan ay signos ng ulap ng panunubali;
kanyang kaluluwang nakitalamitam sa dilim na tangi
ay nakipanaghoy sa luha ng anghel habang nagmumuni.


Kay lungkot isipin ang gayong kasaklap na pagkakalayo
na kung gunitain pati hininga ko ay halos mapugto;
at pati ang langit ng bagong umaga’y waring nagdurugo
at ang dapithapon kung pagmamasdan ko ay naghihingalo.


Haplos ng pag-ibig ang naiwan niya sa supling ng puso,
kanyang inulila’y may bakat ng luhang sa pisngi dumapo;
kay Ina ang buhay ay ibayong saklap sa pagkasiphayo
at may nakalaang tiising pasanin sa kanya’y titimo.

Ngayon kung babalik sa pinag-iwanang lubid na putol,
dadamhi’y pangako sa luksang pangarap na tinatalunton;
tataas ang mukha’t lalong kikisig pa sa taglay na suot
at damdaming ama’y hahanga ngang lubos sa sariling hinlog!

Sa Tabi ng Dagat (By the Sea) by lldefonso Santos

Sa Tabi ng Dagat (By the Sea) by lldefonso Santos



SA TABI NG DAGAT

Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hangganq sa sumapit sa tiping buhangin...
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nanginigmi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw...
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan...

ANG KAIBIGANG TUNAY

Ang Kaibigang Tunay (True Friend) by Filipino poet Al Q. Perez.



ANG KAIBIGANG TUNAY

Kaibigang tunay ay laging matapat,
ang tulong ay laan sa lahat ng oras.

Siya ay mabait at saka marangal
sa lahat ng saglit ay maaasahan.

Sa pangangailangan, siya'y laging handa
nang ang kaibiga'y hindi mapahiya.

Siya'y nakalaan kahit na magtiis
upang mapagbigyan, katotong matalik.

Kaibigang lubos, kaibigang tapat
ay kayamanan din ang nakakatulad.